Pagsusuri sa Akdang Impeng Negro ni Rogelio Sikat

Pagsusuri sa isang akda. (Image Credit: Unsplash).


Ang akdang Impeng Negro ay tunay na nagmumulat sa atin sa mga napapanahong isyu ng diskriminasyon na siyang talamak sa ating lipunan. Ito'y hindi lamang isang kuwento na naglalarawan ng karanasan ng isang tao dahil sa kulay ng balat at pisikal na katangian, kundi nagpapakita rin ng kahalagahan ng pagtatanggol sa sarili sa harap ng pang-aapi at diskriminasyon.

Dumugin man ng masasalimuot na pagsubok, ang kwentong Impeng Negro ay kapupulutan ng napakaraming aral kagaya na lamang ng pagtatanggol sa ating dignidad at pagpapanatili sa ating integridad. Kaya't ngayon tayo'y magkakaroon ng repleksyon sa salamin ng mga hamon at pagsubok ng mga taong nasa laylayan ng lipunan. Ating bigyan ng importansya ang paggalang sa karapatan at dignidad ng bawat isa, anuman ang pisikal na anyo o katayuan sa buhay.

Sino ang nagsulat sa naturang akda?


Si Rogelio R. "Sikat" Sicat ang nagsulat sa kuwento na "Impeng Negro." Siya ay isinilang noong 1940 at naging kilalang manunulat sa larangan ng panitikan sa Pilipinas. Ang isa sa mga makabuluhang pangyayari ay naging parte siya sa pagsulong ng paggamit ng wikang Filipino sa panitikan at nag-ambag ng mga akdang nagpapakita ng mga lokal na karanasan at kultura ng mga Filipino. 

Maliban sa Impeng Negro, ang sulating Tata Selo rin ay isinadula sa isang pelikula. Bagama't siya ay namatay noong 1997, siya naman ay nakatanggap ng parangal sa huling pagkakataon. Ito ay sa pamamagitan ng National Book Award noong 1998 para sa kanyang pagsasalin sa ginawa ni William J. Pomeroy na may pamagat: “Ang Gubat: Isang Personal na Rekord ng Pakikilabang Gerilya ng mga Huk sa Pilipinas.”

Ang Mga Tauhan sa Kwento


Impeng
  • Siya ang panginahing tauhan sa kwento.
  • Ang kulay ng kaniyang balat ay kakaiba sa kanyang pamilya. 
  • Mayroon siyang kulot na buhok.
  • Isa siyang agwador o taga-igib sa kanilang lugar.
  • Siya ay may tatlong kapatid at ang isa dito ay si Kano na palaging ikinukumpara sa kaniya.

Ogor
  • Bagama't isa siyang matipunong lalaki, siya rin ay may pangit na ugali.
  • Siya ay mapang-api sa kapwa lalo na kay Impen.
  • Siya ang nangunguna sa pagmamalit at pagkukutya kay Impen.

Kano
  • Siya ay isa sa mga nakababatang kapatid ni Impen.
  • Hindi kagaya ni Impen, siya ay mayroong maputing balat.

Boyet at Diding
  • Ang dalawa sa nakababatang kapatid ni Impen.

Ina ni Impen
  • Ang nanay nina Impen, Kano, Boyet at Diding.
  • Bagam't iba-iba ang lahi ng mga anak, hindi siya nagkulang sa pagpapaalala sa mga anak na huwag makipag-away.

Mga tao sa paligid
  • Bagama't sila ang nakasaksi sa bawat panyayari, mas pinipili nilang manahimik.
  • Sa panahon ngayon, sila ang tinatawag na mga Marites.

Pagsusuri sa Bisa ng Akda


Bisa sa Isip 

Ang akdang ito ay isang daan upang magising ang mamamayan sa mga isyu't pangyayari sa lipunan. Iminumulat nito ang ating mga mata at isipan na bagama't nasa panahon na tayo kung saan marami na ang pagbabago sa teknolohiya at kaganapan sa buhay, nananatili pa rin ang diskriminasyon, hindi pagkakapantay-pantay, at kakulangan ng respeto lalo na sa mga kapwa natin na nasa laylayan. 

Mapagtatanto natin na isa sa mga rason ay ang estado ng buhay. Idagdag pa ang pagkakaroon ng kakaibang katangian na hindi ligtas sa mapangkutyang dila ng ibang tao.

Bisa sa Damdamin 

Kung babasahin, mahihinuhang nakakaawa ang naging takbo ng buhay ni Impeng dahil sa diskriminasyon at hirap na kanyang dinanas. Nakakadurog ito ng puso dahil kahit sa panahon ngayon, madalas pa rin itong mangyari lalo na sa mga taong may ibang katangian o kulay. 

Sa kabilang banda, maganda naman ang naging takbo ng kwento lalo na no'ng nakayanang ipagtanggol ni Impeng ang kaniyang sarili laban sa mga mapanglait na tao lala na si Ogor.

Ang Layunin ng Kwento

Ang akdang ito ay naglalayong makapagbigay ng aral sa lahat ng indibidwal, bata man o matanda. Hindi lamang ito basta tumalakay sa diskriminasyon, nagbigay daan din ito upang mamulat ang bawat isa sa kahalagahan ng pagkakaroon ng respeto sa kapwa. Anuman ang kulay ng iyong balat o estado ng iyong buhay, ika'y karapat dapat ding irespeto. 

Pagwawakas

Ito ay sa kwento man o sa totoong buhay, ang pagkakaroon ng respeto sa bawat isa ay lubhang mahalaga. Hindi kailanman nasusukat sa kulay ng balat at estado sa buhay ang respetong natatanggap ng bawat isa. Bagkus, ito'y nasusukat sa kagandahang asal. 

Anuman ang iyong itsura, edad, kasarian, at iba pa, hindi mo kailangang malait o manlait. Lahat tayo ay pantay-pantay lamang at 'yan ay isang katotohanan na hindi kayang mantsahan ng kahit sinoman. 
McJulez

McJulez is a passionate writer who loves making concise summaries, sharing valuable notes, and talking about new insights. With a background in campus journalism and a commitment to delivering experienced and reliable content, McJulez is dedicated to making this platform a community of learning and connection. facebook twitter pinterest

Mag-post ng isang Komento

Mas Bago Mas luma