Pagsusuri sa Balut Vendor ni Eros Atalia

Ang masarap na balut ng Pilipinas. Ang litrato ay mula sa Wikimedia Commons.

Sa Pilipinas, maraming uri ng pampanitikan ang pinag-aaralan sa mga paaralan, mapa-public o private man ito. Ang isa sa mga halimbawa nito ay ang tinatawag nating dagli.

{tocify} $title={Table of Contents}

Ano ba ang dagli?

Ang dagli ay ang tinatawag sa Ingles na flash fiction. Isa itong uri ng kwento na mas maiksi pa sa karaniwan na maikling kwento. Binubuo ito ng mga salita na hindi lalagpas sa isang libo. Minsan ay umaabot lamang ito ng dalawang daang salita. Kumbaga, tinatawag rin itong maikling maikling kwento.

Ilan sa mga sikat na manunulat ng dagli ay sina Eros Atalia, Arsenio Manuel, Vicente Garcia Grayon, Jose Corazon de Jesus, Lope K. Santos at marami pang iba.

Isa sa mga halimbawa nito ay ang dagling isinulat ni Eros Atalia na pinamagatang 
Balut Vendor. Ang sumusunod ay ang aking ginawang pagsusuri sa kabuuang nilalaman nito. 

Bigyang-puna ang estilo ng sumulat batay sa mga sumusunod na elemento

Tauhan

Kung ang mga tauhan ang pag-uusapan, mahusay ang estilong ginamit sa pagkakalahad ng mga tauhan lalo na ang balut vendor na hindi mo aakalain na isa palang multo.

Sa kabiland banda, ang mag-aaral naman ay nagbigay ng realisasyon sa totoong buhay na dahil sa ating pagiging abala sa isang bagay, magugulat na lamang tayo sa sambulat at sampal ng mga bagay na hindi napapansin.

Tagpuan

Dumako naman tayo sa tagpuan. Akma ang tagpuang ginamit sa dagli at ito ay nakadagdag puntos sa pagkakalahad nito. 

Nakasanayan na nating marinig na kapag ang kalangitan ay dumilim at gumabi na, madalas sinasabi na may mga gumagalang multo. Lalong nakakakilabot kapag mag-isa lang kagaya ng nailahad sa dagli. Dahil rito, masasabi kong tumpak ang estilong ginamit ng may-akda.

Tema

Kung sa tema naman nito na may kaugnayan sa estilong pananakot, masasabi kong ito ay talagang kabilib-bilib dahil medyo nakakatindig-balahibo. Talagang umikot ang dagli sa temang ito.

Nabigyang-diin ba ang mahusay na organisasyon ng piniling paksa? Naging malinaw rin ba ang balangkas ng nasabing katha?

Mahusay na isinaalang-alang ng sumulat ang napiling paksa sapagkat ito ay talagang organisado. Maayos rin ang pagkakalahad ng bawat parte sa akda. Masasabi ko rin na naging malinaw para sa akin bilang isang mababasa ang kwento. 

Kahit pa sabihin natin na may elementong pantastiko ang dagling ito, nakaangkla pa rin naman ito sa realidad. Ito’y talaga namang epektibo sa pagbibigay direksyon sa balangkas nito. Sa katunayan, ang imahinaryong estilo na ginamit ng may-akda ay nagbigay ng karagdagang sangkap na siyang nagpaganda sa balangkas nito.

Kung uunawain ang tekstong binasa, mapapatanong ka kung mabisa ba ang wikang ginamit dito. 

Mabisa ang wikang ginamit sa pagsusulat nito. Madali lang din ito maunawaan sapagkat epektibo ang estilong ginamit ng sumulat nito. May isa o dalawang bagay lang na medyo nakakalito sa una, pero nagiging klaro naman ito kapag babasahing muli. 

Malaki ang naging papel ng Filipino na siyang wikang ginamit sa pagkakalahad ng kwento dahil nakatulong ito upang mas maunawaan ang nilalaman ng akda. Maliban dito, kapansin-pansin din ang kasanayan ng may-akda sa paggamit ng wikang Filipino kung kaya’t lalo pa itong mas naging mabisa

Mahirap ba ang Panunuring Pampanitikan?

Bilang pangwakas, aking pinangatwiranan kung mahirap ba talagang sumailalim sa panunuring pampanitikan.

Ako ay sumasang-ayon na sa pangkalahatan, mahirap ang sumailalim sa panunuring pampanitikan dahil kailangan nito ang malalim at kritikal na pagsusuri.

Minsan, mahirap himayin ang ilang akda lalo na sa mga likha ng mga batikang manunulat. Talagang kinakailangan ang matinding pagsusuri upang malaman ang tunay na mensahe nito. Maliban dito, may iba-ba ring estilo ang mga manunulat sa pagsusulat kung kaya’t minsan, mahirap talagang maunawaan ang nais nilang ipahiwatig.  

Gayunpaman, mahalagang magkaroon ng sapat na kaalaman sa panunuring pampanitikan para kahit papaano ay magkaroon ng ideya at gabay sa pagsasagawa nito.

McJulez

McJulez is a passionate writer who loves making concise summaries, sharing valuable notes, and talking about new insights. With a background in campus journalism and a commitment to delivering experienced and reliable content, McJulez is dedicated to making this platform a community of learning and connection. facebook twitter pinterest

1 Mga Komento

  1. maikli ngunit malaman ang nilalaman ng pagsusuri pero salamat po dito

    TumugonBurahin
Mas Bago Mas luma