Ang Paggawa ng Liham at Ilang Halimbawa

Isang liham na isinulat upang iparating sa taong minamahal ang nararamdaman. Ang litratong ito ay mula sa Unsplash.

Mula sa maladagat na koleksyon ng mga kaisipan at emosyong ipinarating at ipaparating pa lamang, isang simpleng tanong ang nais masagot. Ano nga ba ang ibig sabihin ng liham? 

Gamit ang parehong bangka na ginamit upang makarating sa destinasyong ito, babaybayin ang iba't ibang klase ng mga liham at malalaman din ang paraan kung paano ito ginagawa. Kaya kung ikaw ay naghahanap ng halimbawa ng liham pangkaibigan, liham pasasalamat, liham para sa magulang at kung ano pa mang klase ng liham 'yan, massagot ang mga katanungang bumabalot sa isipan mo ngayon.

{tocify} $title={Table of Contents}

Ang Kahulugan sa likod ng Liham

Ang liham ay isang dokumento na isinusulat para sa isang indibidwal o 'di kaya'y sa isang organisasyon. Ito ay maaaring gamitin para sa iba't-ibang layunin kagaya na lamang ng pangangalakal, pag-aaplay sa trabaho, pakikipag-ugnayan, o simpleng pagpapahayag ng pagmamahal at suporta sa mga kaibigan at pamilya. 

Sa kasalukuyang panahon kung saan patuloy ang pag-usbong ng teknolohiya, unti-unti nang kumukunti ang gumagawa ng liham. Mayroon pa din namang gumagamit nito pero madalas ay sa pormal na paraan na lamang. Ang dahilan nito ay ang pagsilang ng mga instant messaging apps. Dahil rin sa teknolohiyang ito, dumami ang pagbabago sa paraan ng pakikipagrelasyon at marami pang iba.

Gayunpaman, ang liham ay may espesyal na puwang sa ating pakikipagkomunikasyon. Ito ay isang personal na paraan ng pagpapahayag ng mga saloobin, kahilingan, at kaisipan sa isang tao na hindi mapapalitan ng kahit anong teknolohiya dahil na rin sa sentimentalnitong halaga.

Ang Paggawa ng Liham

Ang paggawa ng isang liham ay maihahalintulad sa paghulma ng palayok. May sinusunod itong pormat o minsa'y estilo. Kailangan dito ang pasensya at hidi lamang basta-basta ginagawa dahil kung pwepwersahing buoin agad ay baka magkamali.

Sa paggawa ng liham, maaari mong sundin ang mga hakbang na ito:

1. Alamin ang klase ng liham na susulatin.

2. Ihanda ang mga impormasyong kakailanganin kagaya ng taong susulatan at ang mensaheng nais iparating.

3. Kumpletohin ang lahat ng bahagi ng liham.

4. Basahing muli ang liham, i-review, at i-revise kung maaari.

Upang maisakatuparan ang paggawa ng isang liham, mahalaga rin na mlaman ang iba't ibang bahagi nito bago ito simulang isulat. Simple lang naman ito at madali lang din sundan. Kailangan lamang na iguraduhing wasto at tama ang mga impormasyong ilalagay sa mga bahaging ito.

Ang Iba’t ibang Bahagi ng Liham

Bagama't napakahirap kung iisipin ng iba, ang paraan sa paggawa ng liham ay hindi naman talaga mahirap o nakakatakot. Sa katunayan ay madali lamang itong gawin. Kailangan lamang na punan ng maayos ang mga importanteng bahagi.

Pamuhatan

Ang impormasyong makikita sa pamuhatan ay mga detalye tungkol sa nagpapadala ng liham tulad ng address ng nagpadala at ang petsa. Minsan ay sinasama rin ang address ng tatanggap.

Kadalasan itong nasa itaas na kanang bahagi ng isang liham. Sa kabilang banda, ang pormal na liham naman ay karaniwang nasa itaas na kaliwang bahagi ng liham.

Halimbawa: 

Barangay Paoa

Lungsod ng Vigan

Abril 15, 2023

Bating Panimula

Ang bating panimula naman ay kilala sa tawag na salutation sa wikang Ingles. 

Dito nakasaad ang pambungad na pagbati sa sinusulatan. Tandaan ng may kuwit sa hulian nito.

Halimbawa: Mahal kong Juliet, o kaya naman ay Mahal na Ginoong Cruz,

Katawan ng Liham

Ang katawan ng liham ay naglalaman ng aktuwal na mensahe o nilalaman ng liham. 

Sa bahaging ito sinasabi ng sumulat ang mga pangunahing punto, ideya, o mga impormasyon na nais iparating. Maaaring mahaba o maikli ang nilalaman nito depende sa layunin ng liham.

Halimbawa:

Kamusta ka na? Sana ay magkasama tayo ulit sa susunod na bakasyon. Miss na miss na kita! Anong mga balita sa inyo? Ingat ka palagi ha.

Bating Pangwakas

Ang bating pangwakas ay naglalaman ng pahayag ng pamamaalam, pagmamahal o respeto sa tatanggap. 

Ang ilang halimbawa nito ay ang sumusunod. May kuwit rin ito sa huliang bahagi.

Halimbawa: Lubos na gumagalang, Sincerely, Taos-puso, nagmamahal, at marami pang iba.

Lagda

Ang lagda ay naglalaman ng pangalan ng nagpadala ng liham. 

Kung ang isusulat ay liham pangkaibigan, minsan ay palayaw na lamang ang nilalagay. Gayunpaman, gamitin pa rin ang buong pangalan para malaman ng tumanggap kung sino ang sumulat ng liham sa kaniya, lalo na kung pormal ito, kung saan kailangan ding pirmahan.

Halimbawa: Romeo Dela Cruz

Postscript o P.S.

Ang postscript, P.S., o pahabol ay karagdagang impormasyon na kadalasang nilalagay sa dulo ng isang liham. 

Bagama't hindi ito konektado sa pangunahing mensahe ng sumulat, idinadagdag ito para mas maging interesado ang babasa ng sulat. 

Ngayong nalaman mo na ang bawat bahagi, marahil ay sabik ka nang gumawa ng isang liham. Upang matulongan kang maisagawa ito, narito pa ang isang halimbawa.


Barangay Paoa
Lungsod ng Vigan
Abril 15, 2023 

Mahal kong Juliet,

Kamusta ka na? Sana ay magkasama tayo ulit sa susunod na bakasyon. Miss na miss na kita! Anong mga balita sa inyo? Ingat ka palagi ha.

Nagmamahal,
Romeo Dela Cruz

Hindi ba't napakasimple lamang gumawa ng isang liham? Tignan mo, hindi ka man lang pinagpawisan sa paggawa ng iyo. Kailangan lamang talaga na sundan ang tamang pagkakasunod-sunod ng mga bahaging ito nang sa ganon ay maiparating ng maayos ang mensaheng nais mong iparating sa iyong pagbibigyan.

Ito man ay liham pangkaibigan, liham ng pasasalamat, o ano pang uri ng liham, tandaan na ang bawat bahagi ng isang liham ay mahalaga sapagkat ito ang nagbubuklod para makagawa ng isang kumpletong piraso ng sulat.

Upang dagdagan ang iyong kaalaman, narito rin ang iba't ibang uri nito. Malalaman mo na bagama't simple lamang kung pakikinggan ang salitang liham, malawak naman ang uri nito.

Pagbibigay-kulay sa Iba't Ibang Uri ng Liham

Ang pagsusulat ng isang liham ay isa sa mga pinaka-natatanging paraan ng pakikipagkomunikasyon. Bagama't lumipas na ang maraming panahon, mayroon pa ring mga indibidwal na mas pinipiling gamitin ito kahit pa umiiral na ngayon ang iba't ibang klase ng instant messaging apps.

Ang bawat uri ng isang liham ay may kani-kaniyang layunin at tono. Mahalagang gamitin ito ng tama upang maiparating ng maayos ang mensahe sa liham na sinulat.

Liham Pangkaibigan

Ang liham pangkaibigan ay isang liham na isinusulat para sa isang kaibigan. Karaniwan itong naglalaman ng personal na impormasyon at pangangamusta. 

Ito ay maaaring naglalaman ng mga kuwento, mga update sa buhay, o simpleng kamustahan, tsismis of chika. 

Ang layunin nito ay mapanatili ang koneksyon at pagkakaibigan.

Liham Pangangalakal

Ang liham pangangalakal ay isang liham na may kaugnayan sa negosyo o kalakalan. Karaniwang ito ay ginagamit para magbigay ng proposal, mag-order ng produkto o serbisyo, o magtanggap ng mga transaksyon o pahayag ng kita. 

Kailangang maging malinaw at tama lahat ng mga impormasyon. Kailangan din na propesyonal ang tonong ginamit.

Liham Paanyaya

Ang liham paanyaya ay isang liham na naglalayong mag-imbita ng isang tao o grupo ng mga tao sa isang okasyon o pagtitipon. 

Karaniwan itong siinusulat tuwing may gustong imbitahan sa kasal, kaarawan, seminar, o iba pang pagtitipon. 

Ang nilalaman nito ay mamalagang detalye tungkol sa okasyon kagaya ng petsa, oras, at iba pang mga kinakailangang impormasyon.

Liham Paghingi ng Paumanhin

Ang liham sa paghingi ng paumanhin ay isang liham kung saan ang isang tao ay humihingi ng tawad para sa anumang pagkukulang, kasalanan, o hindi tamang pag-uugali.

Layunin ng liham na ito na maihayag ang pagpapakumbaba at pagsisisi sa mga nagawa kaya dapat maging bukas at totoo lamang ang manunulat.

Liham Pagtanggi

Ang liham pagtanggi ay isang liham na ginagamit upang tanggihan o hindi tanggapin ang isang alok, imbitasyon, o hiling. 

Naglalaman ito ng mga rason o paliwanag kung bakit tumatanggi ang sumulat nito. Gayunpaman, dapat itong maging maayos at mayroon pa ring respeto sa tono.

Liham ng Pagmamahal

Ang liham ng pagmamahal ay nagpapahayag ng pag-ibig at emosyon. Karaniwan itong isininusulat para sa isang mahal sa buhay, tulad ng asawa o kasintahan.

Isang katangian nito ang pagkakaroon ng mga romantikong pahayag, pagpapahalaga, at pag-aalala. 

Sa makatuwid, ang liham ng pagmamahal ay nagpapakita ng damdamin at pagmamahal sa isang tao.

Mula sa bawa't salitang nakaukit ay masasalamin ang mensaheng hinulma ng emosyon. Nililibot ang kasulok-sulokang parte ng puso't isipan at nagbibigay pahiwatig sa nais iparating ng sumulat.

Tunay na malawak ang gamit ng liham. Sa bawat salitang isinulat ay puno ng emosyon. Sa bawat mensaheng nais nitong iparating ay may kaniya-kaniyang hangarin at gustong iparating.

McJulez

McJulez is a passionate writer who loves making concise summaries, sharing valuable notes, and talking about new insights. With a background in campus journalism and a commitment to delivering experienced and reliable content, McJulez is dedicated to making this platform a community of learning and connection. facebook twitter pinterest

Mag-post ng isang Komento

Mas Bago Mas luma