Paghihimay sa Pangungusap at Mga Uri Nito

Pagbuo ng pangungusap gamit ang kompyuter. (Image Credit: Unsplash).

Mula sa simpleng pakikipag-usap sa ating pamilya, kamustahan sa ating mga kaibigan at kaklase, maging sa pakikipagtalastasan, ang bawat paggawa ng pangungusap ay hindi nawawala. Sa madaling salita, ito ang bumubuo sa bawat binibigkas ng ating mga labi at sinusulat ng ating mga kamay na nabubuo sa ating mga isipan.

Ang pangungusap ay lipon ng mga salita na nagtataglay ng buong diwa. Kung ating papansinin, nagsisimula ang bawat pangungusap sa malaking titik. Nagtatapos naman ang mga ito sa tamang bantas depende sa mensaheng nais iparating o ipahayag-maaaring tuldok, tandang pananong o tandang padamdam.

May dalawang uri ng pangungusap at ito ang mga sumusunod:

  • Di-predikatibong pangungusap 

Ito ang mga salita o lipon ng mga salita na bagama't walang simuno o panaguri, buo pa rin ang diwa. 

  • Predikatibong pangungusap

Ito naman ang mga pahayag o pangungusap na may paksa at panaguri. 

Upang mas maunawaan ang mga di-predikatibong pangungusap, narito ang iba't iba nitong uri at kahulugan.

  • Sambitlang panawag 

Ito ay ang mga sambitlang salita na ginagamit bilang pantawag sa tao. 

  • Padamdam Pahayag 

Ito naman ang mga pahayag na nagsasaad ng damdamin kagaya na lamang kung nasaktan: Aray ko! 

  • Pautos 

Madalas itong ginagamit kung may ipag-uutos kagaya na lamang ng: umalis ka diyan!

  • Pangkalikasan o Penominal 

Ito naman ang mga salitang ginagamit sa mga pangyayaring pangkalikasan na nagsasaad ng kalagayan ng panahon. Ang ilang halimbawa nito ay tuwing may kalamidad kagaya ng: umuulan, lumilindol, at marami pang iba.

  • Panagot sa Tanong

Ito ang mga pahayag na kadalasang sumasagot sa mga pahayag na nagtatanong. Sa madaling salita, nagsisilbi ang mga ito bilang panagot sa tanong. Kadalasang halimbawa nito ay kung may nagtanong kung nagustuhan ba ang isang bagay: Opo. Ayaw ko. 

  • Panahon

Ang mga pahayag naman na kinabibilangan nito ay ang mga lipon ng salita na nagsasaad ng panahon. Ang ilang halimawa ay kung tinatanong kung kailan magbabayad ng utang: Sa katapusan. Sa makalawa.

  • Pagbati o Pormularyong Panlipunan 

Ang mga pahayag o katagang ito ay ginagamit naman sa pagbati. Kung bibigyan ng halimbawa, narito ang mga maaaring gamitin: Kumusta ka? Magandang hapon po. 

  • Pagpapaalam

Ang mga pangungusap namang ito ay ginagamit kung kailangang magpaalam. Narito ang ilang halimbawa: Mauna na po ako. Maraming salamat po sa pagpapatuloy niyo sa akin. Tuloy na po ako. 

  • Pamuling Tanong 

Kadalasang ginagamit ang pangungusap na ito kung nais mong ipa-ulit sa iyong kausap ang kaniyang ang sinasabi dahil baka hindi mo ito maayos na narinig o dahil sa iba pang bagay. Narito naman ang ilang halimbawa: Ano nga ulit ang sinabi mo? Saan nga ulit?

Narito naman ang bahagi ng predikatibong pangungusap. Nahahati ito sa dalawang pangunahing bahagi: ang paksa at panaguri.

  • Paksa

Ang paksa ang siyang pangunahing nilalaman ng batayang pangungusap. Dito umiikot ang sentro o pokus ng pangungusap.

  • Panaguri

Ang panaguri naman ay ang bahagi ng pangungusap kung saan nagsasaad ng impormasyon at kaisipan na siyang iniuugnay sa naturang paksa. 

Mula sa komprehensibong pagtalakay at pagsusuri sa kahalagahan at kahulugan ng pangungusap, maaari nating napagtanto na haligi ito ng komunikasyon. Sa bawat pangungusap na ibihahayag, pasabi man o pasulat, ay may taglay na kakayahang magbigay-diin, maghayag ng kaisipan, at magsaad ng mga kuwento. 

Ang paggamit ng wasto at makabuluhang mga pangungusap ay nakakatulong sa pagpapahayag ng wastong mensahe sa ating kausap. Sa bawat pagpili ng mga salita at pagbuo ng mga pangungusap, mas lalo nating nabibigyan ng halaga ang ating wika at mas nagiging matibay ang kaalaman natin tungkol dito. 

Laging pakatatandaan na ang bawat pangungusap na ating binubuo ay may puwang at bisa sa paghubog ng ating mga ideya. Nakakatulong ito sa pagpapahayag ng ating mga damdamin at pagbabahagi ng ating mga saloobin at kwento sa sinumang tao.

McJulez

McJulez is a passionate writer who loves making concise summaries, sharing valuable notes, and talking about new insights. With a background in campus journalism and a commitment to delivering experienced and reliable content, McJulez is dedicated to making this platform a community of learning and connection. facebook twitter pinterest

Mag-post ng isang Komento

Mas Bago Mas luma