Personal na Hakbang Patungo sa Pagkakapantay-pantay ng Lalaki at Babae sa Tahanan at Komunidad

Mga tao sa lipunan (Image Credit: Unsplash)

Sa ating bahay, hindi maitatanggi na ang mga babae ang kadalasang gumagawa ng mga gawaing bahay. Sa kabilang banda, ang mga lalaki naman ang nag-aayos ng mga bagay-bagay. Bagama’t ito ang kadalasang senaryo na ating nasasaksihan, hindi rin bago sa ating mat ana may makitang babae na nagkukumpuni ng sirang gamit o ‘di kaya ay lalaking nagluluto at naglalaba.

Sa ating komunidad, hindi rin maitatanggi na sa mata ng maraming tao, ang mga babae ay dapat gumagawa lamang ng mga bagay na naaayon sa kanilang kasarian at ganon din sa mga lalaki. Hindi ba pwedeng gawin na lang ang isang bagay nang hindi tinitignan ang kasarian?

Patuloy pa rin talaga ang laban para sa tunay na pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae sa tahanan at sa buong komunidad. Sabihin mang may mga patakaran na naglalayong protektahan ang karapatan ng bawat isa lalo na ang mga kababaihan, ang pinakamalaking kalaban naman ay ang kaisipan ng ibang tao sa lipunan na siyang naghahadlang sa pagsasabuhay sa mga prinsipyong ito.


Hindi tuloy maiwasang maitanong:


Sa ating ginagalawang mundo sa panahon ngayon, ano nga ba ang mga personal na hakbang o mga pamamaraan upang makatulong sa pagbabago ng hindi pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae sa tahanan at sa komunidad?


Anuman ang iyong kasarian, pwede mong gawin ang ninanais ng iyong puso dahil hindi kailanman nasusukat sa kasarian ang kaya mong gawin.

Ating tignan ang ating sarili. Hindi ba’t ang pagbabago ay nagsisimula sa ating sarili? Tandaan na minsan, ang malalaking bagay na nakakamit sa buhay ay nagsisimula sa mga maliliit na hakbang na maaari nating gawin sa araw-araw. Dahil dito, naritong ang ilang personal na hakbang na maaaring gawin ng isang mamamayan, lalo na ang mga kabataan.


Una, ang pagpapahalaga sa edukasyon at kamalayan. Kailangan nating palawakin ang ating kaalaman tungkol sa mga isyu ng kasarian tulad ng pag-aaral sa kasaysayan ito. Mahalagang maunawaan ang ambag ng bawat kasarian sa ating lipunan. Idagdag pa dito ang mga hamon na kinakaharap ng bawat isa sa kasalukuyan. Sa pamamagitan nito, ating mas nauunawaan ang kahalagahan ng pagkakapantay-pantay.


Mahalaga rin ang pagturo ng wastong halimbawa lalo na sa ating tahanan. Bilang mga magulang, kailangang maipakita sa ating mga anak na walang pinipili ang kasarian pagdating sa mga gawain at responsibilidad sa bahay. Babae man o lalaki, kailangan pa ring matuto ng mga gawing bahay. Itanim sa isipan ng mga bata na ang pagbabahagi ng gawaing bahay ay hindi isang nakakapagod na gawain kundi isang preparasyon para maging responsableng mamamayan. Hindi lamang ito nagtuturo sa mga bata ng pantay na pagtingin sa mga kasarian, kundi naglalagay din ng pundasyon ng respeto at pagtanggap sa kanilang mga responsibilidad at maaaring magsilbing aral kung sila man ay magkamali.


Ang huli sa listahan ay ang aktibong pakikiisa sa mga kampanya at mga programa na naglalayong itaas ang antas ng pagkakaroon ng wastong kamalayan sa mga ganitong usapin sa ating lipunan. Sa pamamagitan ng ating aktibong partisipasyon, hindi lamang natin natutugunan ang mga pangangailangan ng bawat isa, kundi pati na rin sa pagtataguyod sa kaniya-kaniyang papel ng bawat isa patungo sa pag-unlad ng lipunan.

Ang tunay na pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae ay isang mahalagang proseso na nagsisimula sa ating sarili. Bagama’t napapaligiran tayo ng mga bagay-bagay na maaaring makaimpluwensya sa ating mga kaisipan, ang pagpapapakita naman ng tamang halimbawa sa ating mga tahanan at ng ilan pang nabanggit ay nakakatulong upang makamtan ang pagkakapantay-pantay. Anuman ang iyong kasarian, pwede mong gawin ang ninanais ng iyong puso dahil hindi kailanman nasusukat sa kasarian ang kaya mong gawin.

McJulez

McJulez is a passionate writer who loves making concise summaries, sharing valuable notes, and talking about new insights. With a background in campus journalism and a commitment to delivering experienced and reliable content, McJulez is dedicated to making this platform a community of learning and connection. facebook twitter pinterest

Mag-post ng isang Komento

Mas Bago Mas luma