Pagsusuri sa mga Pabula at ilang Halimbawa

Sa likod ng bawat pabulang ating binabasa, may mga karakter na hayop na nagpapakita ng mga katangian na maihahalintulad sa mga tao. Atin ngayong kulayan ang mundo ng mga pabula sa pamamagitan ng pagtuklas sa mga ito.

Sabi nga ng pag-ong, matalino man ang matsing, naiisahan din. (Image Credit: Unsplash).

Bagamat lumipas na ang napakaraming taon simula noong nagsilabasan ang mga kwentong ito, nananatili pa ring makabuluhan ang mga ito. Sa pagkakataong ito, aking isasalaysay ang kahulugan, katangian at halimbawa nito.

{tocify} $title={Table of Contents}

Sa kultura at panitikan nating mga Pilipino, isa ang pabula sa mga tinaguriang pinakamatandang anyo ng kwento na naglalayong magbigay aral at gabay sa atin lalo na sa mga kabataan.

Sa panahon namin noon, may mga malalaking libro noon sa bawat silid-aralan na naglalaman ng iba't ibang uri ng panitikan. Isa na don ang pabula. Kulay pula ang librong iyon. Paminsan-minsan, hinihiram namin yun at nagkwekwentuhan sa mini library sa likod ng classroom.

Pagbatid sa Kahulugan ng Pabula

Ang pabula ay isang maikling kwento kung saan ang mga tauhan dito ay karaniwang mga hayop o bagay-bagay. Ang mga ito ay may kakayahan ding magsalita. 

Dagdag dito, ang mga pabula ay nagbibigay rin ng aral o mensahe. Maaaring simple lamang ang mga ito ngunit hindi matutumbasan ang halaga at mensaheng inihahatid nito sa mga mambabasa.

Sa wikang Ingles, ang pabula ay mas kilala sa tawag na fable.

Mga Katangiang Bumubuo sa Pabula

Mga Tauhang Hayop at Bagay

Ang mga tauhan sa pabula ay kadalasang mga hayop na may taglay na katangian ng tao. Ang mga ito ay may kakayahan ding magsalita.

Simpleng Banghay

Karaniwan lamang na ang mga pabula ay naglalaman ng simpleng banghay o plot na madaling sundan.

Karaniwang Maikli

Ang mga kwentong pabula ay maikli lamang at tuwirang ipinararating ang mensahe.

May Hatid na Aral

Ang bawat pabula ay may hatid na aral o mensahe na nais iparating sa mambabasa. Bagama't simple, ang mga aral na ito ay patuloy na nakakatulong sa bawat henerasyon.

Mga Pangunahing Elemento ng Pabula

Setting

Ang setting ay karaniwang lugar. Ipinapakita nito kung saan at kailan naganap ang kwento.

Tauhan

Sa pabula, ang mga tauhan ay tinatawag din na mga karakter. Sila ay kadalasang hayop o bagay na may kakayahang magsalita at kumilos kagaya ng tao.

Banghay

Ang banghay ang tumutukoy sa takbo ng pabula mula simula hanggang wakas.

Suliranin

Ang suliranin ay tumutukoy sa problema o hamon na kinakaharap ng pangunahing tauhan.

Kakalasan

Ang kakalasan ay tumutukoy sa resolusyon sa suliranin. Ito ang punto kung saan masasabing malapit nang matapos ang kwento.

Mensahe o Aral

Ang mensahe o aral ay tumutukoy sa pangunahing tema o mensahe ng kwento na nais iparating sa mga mambabasa.


Ang Pagkilala kay Aesop

Si Aesop ay isang kilalang Griyegong manunulat ng mga pabula noong sinaunang panahon. 

Si Aesop ay sumulat ng maraming pabula na nagflalaman ng mga aral. Ang ilan sa mga pinakasikat na pabula kung saan siya ang itinuturing na nagsulat ay ang mga sumusunod:

  • Ang Pagong at ang Kuneho (The Tortoise and the Hare) 
  • Ang Leon at ang Daga (The Lion and the Mouse)
  • Ang Batang Sumigaw ng Lobo (The Boy Who Cried Wolf), at 
  • Ang Soro at ang Mga Ubas (The Fox and the Grapes)
  • Ang Uwak at ang Pitsel (The Crow and the Pitcher)

Atin namang suriin ang ilang pabula.

Masusing Pagsusuri sa Halimbawa ng Pabula

Ang Pagong at ang Kuneho Buod

Ang pabulang Ang Pagong at ang Kuneho ay nagpapakita na ang pagiging matiyaga ay may kalakip na tagumpay.

Sa pabulang ito, may isang kuneho na kilala sa kanyang bilis ang  nangutya sa isang pagong dahil sa kanyang mabagal na pagkilos. Upang patunayan ang kanyang sarili, hinamon naman ni pagong si kuneho sa isang karera. Sa kabila ng malaking lamang ni kuneho, nagdesisyon itong magpahinga at matulog sa isang puno. Bagama't mabagal si pagong, patuloy itong naglakad nang walang hinto. Hindi namalayan ng kuneho na matagal siyang nakatulog. Nang magising ay tumakbo ito na mabsilis patungo sa finish line ngunit nadatnan na niya si pagong na naunang narating ang dulo.

Aral sa pabulang Ang Pagong at ang Kuneho

Huwag maliitin ang mga kalaban dahil sa tingin mo ay ikaw ang nakalalamang. Dagdag dito, huwag ding susuko kaagad sapagkat makakarating ka rin sa dulo. Sabi nga sa isang kasabihan sa ingles, “slow and steady wins the race.”

Ang Leon at ang Daga Buod

Ang pabulang Ang Leon at ang Daga ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagiging mabait kahit sa maliliit na nilalang.

Sa pabulang ito, may isang daga na naglaro sa ibabaw ng natutulog na leon. Sa kanyang paglalaro, nagising niya ang nakakatakot na leon. Bagamat maaari siyang kainin ng leon sa isang kagat lamang, pinakawalan siya ng leon matapos ang kanyang pagmamakaawa. Isang araw sa hindi inaasahang pagkakataon, ang leon ay nahuli sa isang lambat. Sa oras ng pangangailangan, bagama't maliit lamang ang daga ay tinulungan pa rin nito ang leon at iniligtas ito mula sa kapahamakan.

Aral sa pabulang Ang Leon at ang Daga 

Huwag basta-basta maliitin ang kakayahan ng iba sapagkat kahit gaano pa sila kaliit o kalaki, may kanya-kanya tayong halaga at kakayahan. 

Ang Uwak at ang Pitsel Buod

Ipinapakita sa pabulang Ang Uwak at ang Pitsel ang kahalagahan ng pagiging maparaan. 

Sa pabulang ito, may isang uhaw na uhaw na ang uwak. Nang makakita siya ng pitsel na may lamang tubig, agad-agad itong pumunta doon para makainom. Ang problema nga lamang ay maliit masyado ang bunganga ng pitsel at hindi abot ng kaniyang tuka ang laman nitong tubig. Ang naiisip niyang ideya ay lagyan ito ng mga bato hanggang sa unti-unting tumaas ang tubig sa loob ng pitsel.

Aral sa pabulang Ang Uwak at ang Pitsel

Sabi nga sa isang kasabihan, kapag gusto ay maraming paraan. Ang aral na ito ang siyang makikita sa naturang pabula.

Pangwakas

Ang pabula ay hindi lamang isang anyo ng panitikan kundi isang mahalagang kasangkapan sa paghubog ng ating pagkatao. Sa bawat kwento pabula, may natutunan tayong aral na maaari nating gamitin sa pang-araw-araw na buhay. 

Kaya sa iyong paghahanap ng mga halimbawa ng kwentong pabula sa pahinang ito, sana ay napalawak ang iyong kaalaman at pagpapahalaga sa kahalagahan ng mga pabula sa ating buhay.

Kung ito'y iyong nagustuhan, pwede mo rin itong ibahagi sa iyong mga kakilala nang sa ganoon ay matutunan din nila ang kahulugan na pabula, mga elemento nito, mga halimbawa at mga aral na mapupulot sa mga naturang pabula.

McJulez

McJulez is a passionate writer who loves making concise summaries, sharing valuable notes, and talking about new insights. With a background in campus journalism and a commitment to delivering experienced and reliable content, McJulez is dedicated to making this platform a community of learning and connection. facebook twitter pinterest

Mag-post ng isang Komento

Mas Bago Mas luma