Ang Alamat ng Pinya: Mga Aral at Talasalitaan

Isa din ba ang alamat ng pinya sa mga kinagigiliwan mong alamat noong ikaw ay bata pa? Sa akin kasi, ito ang isa sa mga pinakagusto ko noon. May libro nga rin ako ng mga alamat noon.

Sa pahinang ito ay ating pag-uusapan ang alamat ng pinya. Sasagutin natin lahat ng mga katanungan tungkol dito kagaya na lamang kung ano ang tungkol sa alamat ng pinya, anong aral ang mapupulot dito, at kung ano-ano ang mga kakaibang salita na ginamit pati na rin ang kahulugan ng mga ito.

Tara na't ating itong basahin!

{tocify} $title={Table of Contents}

Alamat ng Pinya


Ang Alamat ng Pinya

Noong unang panahon sa isang malayong lugar, may mag-inang nagngangalang Aling Rosa at Pina. Ang bugtong na anak na si Pina ay mahal na mahal ni Aling Rosa. Dahil dito, siya ay lumaki sa layaw. 

Gayunpaman, nais ni Aling Rosa na matuto pa rin si Pina ng mga gawaing bahay. Ang problema nga lang ay laging sinasabi ni Pina na alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina. Wala namang magawa si Aling Rosa kaya pinabayaan na lang niya ito.

Nang minsang nagkasakit si Aling Rosa ay hindi ito makabangon at makagawa ng mga gawaing bahay. Bagama't inutusan nito si Pina na magluto ng lugaw, hindi niya ito nagawa ng maayos dahil napabayaan ang niluluto dahil sa kakalaro. Nasunog tuloy ang isinaing na lugaw. 

Si Aling Rosa ay nagpasensiya na lamang kahit nasa ganon siyang sitwasyon dahil kahit papaano ay napagsilbihan naman siya ni Pina. Sa kabilang banda, hindi inaasahang magtatagal ang sakit ni Aling Rosa kaya si Pina ang gumagawa sa mga gawaing-bahay. 

Nang minsang magluto si Pina ay hindi niya makita ang posporo. Sinasagot naman ng ina ang mga tanong niya. Isang araw, sandok naman ang hinahanap niya at kagaya ng dati, tinanong niya ulit ang ina. Ganoon ng ganoon ang nangyayari sa tuwing hindi niya mahanap ang isang bagay. Dahil dito, nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng ni Pina.

Napasabi na lang ang ale ng "Naku! Pina, sana ay magkaroon ka ng maraming mata para makita mo ang lahat ng bagay at hindi ka na tanong nang tanong sa akin."

Sa boses pa lamang ay alam na ni Pina na galit ang kanyang ina kaya hindi na lang siya umimik. Siya na lang mismo ang naghanap sa mga bagay na hindi niya makita.

Kinagabihan sa araw ding yun ay hindi mahagilap si Pina. Kinabahan si Aling Rosa dahil kahit anong tawag niya sa kaniyang anak ay walang sumasagot. May sakit man, napilitan siyang bumangon at naghanda ng pagkain.

Lumipas ang ilang araw at gumaling ng tuluyan si Aling Rosa pero wala pa rin si Pina. Nagtanong-tanong siya sa mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak pero tila ba naglaho na lang na parang bula si Pina.

Isang araw, habang nasa bakuran si Aling Rosa ay may nakita siyang halaman. Unang beses niya makita ang halamang ito kaya hindi niya matujoy kung anong uri ang halamang iyon. Gayunpaman, inalagaan niyang mabuti ang halamang ito hanggang sa ito'y magbunga na nga.

Labis na lamang ang pagkagulat ni Aling Rosa nang makita niya ang anyo ng bunga nito. Ang hugis nito ay tila ulo ng tao na napapalibutan ng napakaraming mata.

Sa sandaling iyon ay nabigla siya dahil bigla niyang naalaala ang huli niyang sinabi kay Pina, na sana'y magkaroon ito ng maraming mata para makita ang lahat ng kanyang hinahanap. 

Nanangis na lamang ng tahimik si Aling Rosa at laking pagsisisi niya dahil tila tumalab ang hindi naman niya sinasadyang masabi sa kaniyang anak. 

Simula noon ay inalagaan niyang mabuti ang halaman. Pinangalanan niya itong Pina. Sa palipat-lipat sa bibig ng mga tao ang salitang pina ay tuluyang naging pinya.

Alamat ng Pinya


Anong Aral na Mapupulot sa Alamat ng Pinya?

Sa alamat ng pinya, maaaring mapulot ang mga sumusunod na aral:

1. Pagpapahalaga sa Magulang

Ang alamat ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagmamahal at pag-aalaga sa ating mga magulang lalong-lalo na sa ating ina. 

Ipinapahiwatig nito na ang pagiging pasaway o pagiging iresponsable sa mga gawain sa bahay ay maaaring magdulot ng pasakit o pagsisisi pagdating ng isang araw. 

2. Pagkakaroon ng Disiplina at Pagiging Responsable

Sa kwento, si Pina ay lumaki sa layaw kaya hindi siya sanay sa mga gawaing bahay. Bagama't napilitan siyang maging responsable sa mga gawaing bahay nang minsang magkasakit ang ina, hindi niya naiwasan na magdulot pa rin ng problema dahil hindi niya mahanap ang ilang bagay.

Dahil dito, ipinapahiwatig na dapat marunong na ang mga bata kahit sa mga simpleng responsibilidad lang sa bahay. Sabayan din ito ng wastong disiplina para lumaking hindi umaasa sa iba.

3. Ang pagsisisi ay laging nasa huli

Ang kwento ay nagpapakita ng pagsisisi ng isang ina sa mga huling salita na binitawan niya sa kanyang anak. Ipinapakita nito na mahalaga ang pag-iingat sa mga salitang binibitawan natin dahil baka magdulot ito ng mga bagay na hindi natin nais mangyari.

4. Ang Pagkakaroon ng Pagbabago

Ang alamat ng pinya ay nagpapakita rin ng kakayahan ng tao na magbago at maging mas mabuting tao.

Sa kabuuan, ang alamat ng pinya ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pamilya, disiplina, at pagbabago. Laging tandaan na ang mga aral na ito ay may malalim na kahulugan at maaaring mag-ambag sa pag-unlad at pagpapabuti ng buhay ng isang indibidwal.

Talasalitaan

Narito ang talasalitaan patungkol sa ilang salita o pahayag na matatalinhaga mula sa alamat ng pinya:

1. Lumaki sa Layaw - Ang pagiging malaya sa responsibilidad at pagiging spoiled.
2. Nagpasensiya - Tahimik na tiniis ang pagkukulang o isang bagay.
3. Nabahala - Labis na pagkabahala o pangangamba.
4. Naglahong Parang Bula - Biglang nawala at hindi na makita pa 
McJulez

McJulez is a passionate writer who loves making concise summaries, sharing valuable notes, and talking about new insights. With a background in campus journalism and a commitment to delivering experienced and reliable content, McJulez is dedicated to making this platform a community of learning and connection. facebook twitter pinterest

1 Mga Komento

  1. Magandang aral para sa lahat ng mga kabataan lalo na ngayon

    TumugonBurahin
Mas Bago Mas luma