Pagsusuri sa Pangunahing Tauhan ng Kwentong 'Di Masilip ang Langit



Ninais mo na rin bang maging bida? 'Yun bang main character kumbaga. Hindi sa teleserye o sa classroom, kundi sa isang kwento. Ano kaya ang feeling no'n?


Samahan niyo ako at ating pag-usapan ngayon ang isang bida na gumanap sa isang kwento na kapupulutan ng aral. Ito ang Di Masilip ang Langit na isinulat ni Benjamin P. Pascual. Ang kwentong ito ay nagkamit rin ng parangal kaya naman masasabing tunay na maganda ang nilalaman nito. 

{tocify} $title={Table of Contents}

Pangunahing Tauhan


Ang Pangunahing Tauhan


Ang pangunahing tauhan ay kilala sa tawag na main character sa Ingles. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng isang pangunahing tauhan sapagkat isa siya sa mga nagbibigay buhay at kulay sa isang kwento. 

Ang pagganap niya sa bawat eksena ay humuhubog sa damdamin at pag-iisip ng mga mambabasa. Mahalaga rin ang ginagampanan nito sa paglalahad ng buong mensahe ng isang kwento.

Para mas maunawaan ito, ating tatalakayin ngayon ang isang kwento na pinamagatang Di Masilip ang Langit.

Buod ng Di Masilip ang Langit

Ito'y kwento tungkol sa isang kantero na nakatira sa isang bakanteng lote na malapit lamang sa isang subdibisyon. Umikot ang buong istorya sa kaniya at ang kaniyang asawa at kung paano kalupit ang diskriminasyon sa mga mahihirap na kagaya nila.

Nagsimula ang kwento sa pag-uusap ng dalawang preso. Ang sentro ng kanilang usapin ay tungkol sa kaso nila. Napag-alamanan na arson ang dahilan kung bakit siya nakulong. Pero nahantong siya sa pagkakakulong dahil sa isang insidente na nagdulot sa kaniya ng galit na siyang naging dahilan kung bakit siya naroroon.

Ang asawa niyang si Luding ay pinagbubuntis noon ang una nilang anak. Plano ng mag-asawa na sa pribadong ospital na lamang ipapanganak ang kanilang panganay dahil isa siya sa mga kanterong bumuo ng bilding na 'yun at isa pa ay 'yun na ang pinakamalapit na ospital sa kanila. May pri ward din naman doon.

Samantala, sa pagdating ng oras ng panganganak ni Luding, nasa lansangan si Luding at hindi niya kasama ang kaniyang asawa. Napilitan itong magpatulong sa isang mayamang tao na nagngangalang Mr. Cajucom. Bagama't sinabi ng asawa naman nitong si Mr. Cajucom na kumakain pa siya, nagmabuting-loob pa rin ito at dinala nga si Luding sa ospital. 

Sa pagdating nila doon, pinagkamalan siyang asawa ni Mr. Cajucom. Matapos malamang hindi, isa-isang nagsitalikuran ang mga nars. Dahil walang bakante na pri ward ay pinaghintay siya kahit namimilipit na sa sakit. Ilang sandali pa'y nanganak siya sa sahig at sa kasamaang palad ay namatay ang sanggol dahil tumama ang ulo nito sa sahig.

Hindi lamang 'yun ang masaklap na nangyari. Siningil pa sila sa ospital bago mailabas si Luding. Kulang ang pera nila kaya pumirma siya sa kasulatan na nagsasabing babayaran niya ang kulang kinabukasan. Nabayaran din naman niya ito. Pero dahil nga sa sakit, poot, galit at lahat na ng emosyong naghalo-halo sa kaniyang puso't isipan, isang bagay ang nagawa niya.

Sinunog niya ang ospital. Tersiya ang natupok sa bilding. Dahil dito ay nakulong siya at sa pagkakakulong niyang ito ay tuluyan siyang nawalan ng pag-asa.

Mula sa kwentong ito, maraming bagay ang masasalamin. Isa na dito ang diskriminasyon sa kahirapan. Dahil rin sa matinding poot, nakakagawa ang isang tao ng mga bagay na hindi mo aakalaing magagawa niya. Ang masakit dito ay minsan nawalan na lang ng pag-asa ang ilan at tuluyang tinalikuran ang kanilang pananampalataya.

Sino ang nagsasalaysay sa kwento? 

Hindi binanggit ang eksaktong pangalan ngunit ang pangunahing tauhan na siyang nagsasalaysay sa kwento ay ang asawa ni Luding.

Nakatulong ba ang kanyang wikang ginamit upang mapalitaw ang kanyang kalagayang panlipunan? 

Para sa akin, nakatulong ang wikang ginamit sa pagpapalitaw ng kaniyang kalagayang panlipunan lalo na sa mga salitang kalye na ginamit na angkop sa kwento. Naramdaman ang hinanakit niya pati na rin kung gaano kalupit at kahirap ang maging mahirap.

Kung sakaling ibang pananaw kaya ang ginamit ng awtor, ano kaya ang magiging epekto nito sa daloy ng kuwento? 

Kung ibang pananaw ang ginamit ng awtor sa paglalahad sa kwento, maaaring hindi ito maging kasing-epektibo ng orihinal na estilong panumbalik. Maaaring mag-iba ang daloy ng kuwento at baka hindi mailahad ng mabuti ang mga karanasan niya sa buhay bago ito nakulong hanggang sa kasalukuyan niyang kalagayan.

Ilarawan ang katangian ng pangunahing tauhan. 

Ang pangunahing tauhan sa kwento ay ang asawa ni Luding.

Bilang asawa, siya ay responsable, mapagmahal at may prinsipyong asawa.

Bilang manggagawa, siya naman ay isang matiyagang indibiwal. Hindi niya kinakaila ang uri ng trabaho na meron siya basta’t marangal ito at kumikita pa rin ng salapi.

Bilang tao, siya ay isang simpleng lamang na may didnidad. Gayunpaman, napalitan lamang  ito ng poot at pagkamuhi dahil sa diskriminasyon. 

Ang humubog at mga dahilan kung bakit siya nagkaroon ng mga ganitong katangian ay dahil sa nangyari sa kaniyang pamilya, sa lipunan, sa antas ng kanilang pamumuhay at dahil na rin sa diskriminasyong natamasa mula sa iba.

Ang pag-iral ng diskriminasyon sa kwento

Mula sa akda, isinalaysay ang natamong diskriminasyon nina luding at ang asawa nito dahil sa kawalan ng salapi. Bigla na lamang nagsitalikuran ang mga nars ng sabihin ni Luding na sa “pri ward” lang siya. Dahil dito, hindi man lang siya inasikaso. Pinaghintay lang siya hanggang sa lobi na lang napanganak si Luding. Ang masakit ay namatay ang kawawang sanggol dahil sa kapabayaan nila.

Paano ito nauugnay sa ating kalagayang sosyal? 

Masakit mang isipin pero sa ating kalagayang sosyal, mapaghahambing ang dalawang karanasan mula sa kwento at sa tunay na buhay. Minsan, dahil sa salapi ay hindi nila binibigyang-pansin ang mga mahihirap na nagpapa-admit sa mga pribadong ospital. Oo, masakit pero kung sino ang may salapi ay sila ang mas pinapaboran. Gayunpaman, sana'y binigyan pa rin sana ng maayos na pagtrato at kalinga.

Halimbawang makikita mula sa akda at maging sa tunay na buhay

Sa tunay na buhay, merong mga ospital na hindi tumatanggap ng mga pasyente kapag hindi nila kayang magbayad ng down-payment. Madalas ay sa mga pribadong ospital ito nangyayari. Bagama’t nasa protokol nila ito, hindi naman masamang pairalin ang kabutihang-loob lalo na kung kailangan na talaga ng agarang aksyon.

Konklusyon

Mula sa kwentong Di Masilip ang Langit, ating nalaman na talagang malaki ang papel na ginagampanan ng mga pangunahing tauhan.

Atin ding natunghayan ang ilang realidad sa ating lipunan. Ngunit isa lang ang masasabi ko-sa panahong tila pasan na natin ang mundo dahil sa matinding pangyayari, huwag pa rin sana tayo mawalan ng pag-asa. Huwag nating kakalimutan ang ating pananampalataya sa Diyos dahil lahat ng bagay ay may dahilan at lahat din ng mga ito ay ating malalampasan.

Minsa'y masakit talagang isipin ang mga kaganapang kagaya ng nasa kwento ngunit kahit ganon pa man, matuto pa rin sana tayong maging mas mabuti sa lahat, mahirap man o mayaman. Hindi man tayo ang bida sa kanilang buhay, bida naman tayo sa ating sariling kwento at sana, gawin natin itong mas maganda sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuti.
McJulez

McJulez is a passionate writer who loves making concise summaries, sharing valuable notes, and talking about new insights. With a background in campus journalism and a commitment to delivering experienced and reliable content, McJulez is dedicated to making this platform a community of learning and connection. facebook twitter pinterest

Mag-post ng isang Komento

Mas Bago Mas luma